Tuesday, December 25, 2007

Emilio

“If you give what can be taken, you are not really giving. Take what you are given, not what you want to be given. Give what cannot be taken.”

~Idries Shah

Nung mas bata pa ako kaysa ngayon, siguro mga prep pa lang o kinder, naalala ko nung nakita ko yung mga kasama ng nanay ko sa opisina na kumakain sa canteen. Ninang ng mga magulang ko sa kasal si Mrs. Amyan. Kasama nya kumakain ang ninang ko at iba pa.

Magpapasko na rin noon. Syempre medyo nagpapansin ako ng konti. Kunyari bibili ako sa canteen. Pero tumatambay lang ako dun. Palakad-lakad. Patingin-tingin. Inaantay ko lang tawagin nila ako. Para bigyan ng aginaldo, syempre.

Hindi naman ako nabigo (buti na lang). Maya-maya tinawag ako ni lola amyan. Tinanong ako kung gusto ko raw ba ng regalo. Ngumiti lang ako. Sabi ko, “ah e, wag na po”, pero sa loob-loob ko naisip ko, “wag kayo maniwala sa akin, bigyan nyo ako ng laruan!”

Sabi ni lola, “Ok lang ba sa’yo na pera na lang?”

Hmm… napaisip ako. Kung pera nga naman, ayos lang, makakabili ako ng gusto kong laruan. Kaya sinabi ko, “Umm, ok lang po!”

“Magkano ang gusto mo?”

Hmmm… napaisip ulit ako. Magkano nga kaya. Gusto ko sana sabihin na, “one hundred pesos po!” Tamang-tama na pambili yun ng laruan. Kaya lang…

“O, magkano ang gusto mong ibigay ko sa’yo?”

“Ah…P20 na lang po.”

Nagulat sila. Nagtaka. Sabi ni lola amyan, “O, bakit P20? Ayaw mo ba ng P100?”

Sabi ko, “Gusto po. Kaya lang po kapag P100 ang binigay nyo, kinukuha ni mama. Kapag P20, sa akin po yun mapupunta.”


Lahat ng nakarinig sa sinabi ko ay nagtawanan. Sa lakas ng tawa nila, kinabahan ako na baka may nasabi akong mali. Pero kumuha si lola ng P20 sa wallet nya, tapos inabot sa akin.

“O, eto ang P20 mo. Iyo yan ha? Wag mo bigay sa nanay mo. Haha.” Tawanan sila ulit.

Tuwang-tuwa naman ako. Totoo naman kasi. Noon, kapag binigyan ako ng P100, kinukuha ni nanay. Hindi ko na nakikita ulit. Hehe.

Siguro bata pa lang, alam ko na ang ibig sabihin ng “it’s the thought that counts.” Haha. >_<>

Yun lang. Hehe.

Maligayang Pasko sa lahat!

Friday, December 21, 2007

Yuppie?

“Once in a while it really hits people that they don’t have to experience the world in the way they have been told to…”
– Anonymous

Ano ang ibig sabihin ng dalawang larawan na ito?

Exhibit A:

Exhibit B:

Ang galing mo!

Tama ka, ibig sabihin lang nyan, natapos na ninong ang kanyang B.S. in Computer Engineering. Pagkatapos ng apat na taon at may limang buwan, natapos ko na ang humigit-kumulang 213 units, kung saan umulit ako ng 20.

Tapos na.

Mamartsa na ako sa Pebrero. Siguro.

Sana.

Sana hindi ako nag-iisa. Balita ko kasi marami sa mga umaasang magmamartsa ng Pebrero ay nagkaroon ng siete sa kanilang design 2. Walang umabot. Ako pa lang ang siguradong lalakad sa pulang carpet. Medyo nakabitin pa rin sila.

Siguro minsan nangarap akong grumaduate na top1 sa buong batch, pero kung mag-isa lang ako e napaka-RIDDIKULUS naman nun. Hehe.

Hindi na ako nag-enroll para sa darating na term. Ano ako martyr? No more available units na nga e. Pinapalayas na ako ng skul. Magpapapigil pa ba ako?

Di na rin ako nagpasyete gaya ng binulong nung iba para daw may kasabay ako magmartsa. Naisip ko, bakit ko pa patatagalin, e ang tagal kong pinilit matapos ang kurso na ito di ba?

So, ano na ba ang pinagkakaabalahan ni ninong ngayon? Kung tapos na ang kanyang ojt, bakit inabot pa rin ng isang lingo bago sya nagpost ulit?


Yuppie na si ninong. Young puppy –err professional.

Para maisagawa ko na ang aking planong sakupin ang mundo, nakasaad sa aking 1,000,000,000-step plan na makahanap agad ng trabaho para masimulan ko na ang pagpapayaman ko.

Sabi nung iba, pagkagraduate nila e magpapahinga muna sila. Mga 3 months. 6 months. 1 year. Pagkatapos daw ng apat na taon ng pag-aaral, e dapat lang na entitled sila mag-“indefinite leave” kumbaga.

Magsisinungaling ako kung sasabihin kong ayaw ko mag-“petiks” ng mga ilang buwan. Syempre. Gusto ko magpahinga. Gusto kong gumawa ng wala.

Pero hindi lahat ng tao ay may ganung kalayaan. Di naman kasi ako eredero o prinsipe para mag-antay na lang sa mana ko at nagtratrabaho lang para lumipas ang oras. Kailangan ko nang magkaroon ng pera kung gusto kong makabili ng gusto ko –tulad na lang ng Intramuros. Haha.

Atsaka kung magpapahinga ako, wala rin naman akong gagawin. Walang pera e. Magsasawa rin ako agad sa bartolina. Mabubugnot sa kabalintunaan.

Kaya naman ng magkaroon ng pagkakataon e ayun sumabay na akong mag-apply sa mga nakasabay ko sa OJT. Tyempo namang naghahanap agad yung kumpanya ng aalipinin, kaya naman ayun, natanggap. Sa totoo lang, sila ang nagmamadali, kaya naman hindi ko na sila tinanggihan.

Gusto ko sana magpatuloy dun sa pinag-oojthan ko. Kasi kahit konti lang ang mga empleyado e OK ang atmosphere. Saka nagsisimula na kaming makipag-usap sa mga empleyado. Nakakabiruan na namin sila. Saka may libreng juice. Saka may pingpong table. Kaya lang hindi sila naghahanap ng empleyado, estudyanteng alipin lang ang kailangan nila.

Masyadong mabilis ang pangyayari. Kung meron mang downside ang pagtanggap ko agad sa trabahong ito, iyon ay hindi na ako masyadong nakapaghanap at nakapamili. Parang take it now or leave it forever and ever amen kasi ang dating. Parang portal na unti-unting sumasara. Kung di ko papasukin, mawawala agad ang pinto. Medyo nakakatukso pa ang job offer. Tapos hindi ganun ka-binding ang kontrata. Anong magagawa ko, tao lang naman ako?

Ayoko, hanggang maaari, na pabayaan na naman ang mga ganung pagkakataon. Malas na nga sa lablayp e pababayaan pa ang “career”. Gusto kong subukan.

Medyo nagdalawang isip din ako, kasi bagaman developer ang job position na nakuha ko e hindi programming language tulad ng JAVA o VB.net o C# o Perl ang gagamitin namin. EDI o Electronic Data Interchange ang ide-“develop” naming.

In short, EDI Developer ako.

Anong kumpanya? GXS (Global Exchange Services). Sa Makati pa rin, at hindi nalalayo sa Teloworks kung saan ako nag-OJT.

Yun lang muna. Mahaba na ito.

Friday, December 14, 2007

Immortality

I pray thee send me back my heart,
Since I cannot have thine;
For if from yours you will not part,
Why, then, shouldst thou have mine?
~John Suckling
Sabi nga ni sir namre, no updates = dead blog.
Buti na lang at immortal ang blog na ito. -_- Hehe.
Lampas isang buwan na rin nung huli akong nag-update. Na naman. Hmm… kataka-takang hindi ako makapagpost samantalang marami akong gusto sabihin at maraming gustong ikwento. Maraming gustong i-barbero.
Hindi ko rin maipaliwanag e… bigla na lang. parang lang, na tila walang sapat na oras para magtype. Marami lang sigurong gustong sabihin na hindi masabi. Mahirap rin minsan na kilala ka ng nagbabasa ng sinasabi mo. Lalo na kapag tungkol sa mga taong yun ang ikwekwento mo. Baka isang araw e mawala na lang ako sa mundo. Assasinated – Special Order.
Marami rin naman kasing pinagkaabalahan. Kumbaga, e nagkabuhay ako sa labas ng Internet kahit paano. Hmm… hindi rin pala. O sige, kahit konti. Ah, basta ganun. At blah blah blah blah. Tapos ang kwento.
Lahat kasi ng magandang palabas, nagkakaroon ng season break. Syempre, kailangan i-build up ang suspense. Hintaying magmakaawa ang mga presidente ng mga bansa, mga diplomat, politiko, artista, doktor, manunulat, bago ituloy ang next season.
Para mapanatili ang world peace at mabigyang katahimikan ang aking libu-libong tagasubaybay, ay itutuloy ko na ang next season.

Sabi nila, ang mga napapailalim raw sa zodiac sign na Taurus ay hindi lang nagtataglay ng di mapantayang kagwapuhan at kagandahan, sila rin ay biniyayaan ng walang katapusang tigas ng ulo. Stubbornness, kumbaga.
At oo, may pagka-applicable ang kantang Your Song ng Parokya ni Edgar sa aking love story. One step forward, one step forward. two steps back lang ang nangyayari sa aking mala-telenobelang buhay pag-ibig. Tanging ina talaga.
Tuwing dumadating ang kaarawan nya ako ay tinotopak. Pero ok lang e, di ko naman sya nakikita. Matagal na rin hindi kami nagkaka-kamustahan. Ayos lang. Konting topak. Lilipas din. Wag ka lang babalik. Magpaparamdam. Mabubuhay nang bigla. Dahil ako naman ang mamamatay. Ulit.
Sinabi ko sa sariling wag na siyang batiin. Ayun, binati ko pa rin. Wag pupunta sa birthday ng dating kaklase dahil pupunta sya dun. Syempre, pupunta pa rin. Wag itetext. Wag itetext. Wag itetext. Ay naku, nagsawa na rin akong kakakontra. Bahala ka sa buhay mo. Itext mo, anak ka ng nanay mo.
Wag mong itetext dahil hindi rin magrereply. At pag minalas ka, baka magreply. Dahil kapag nagreply, magtetext ka ulit. Paano kapag hindi na nagreply…
Lahat ng pagkikita namin laging may time limit. Akala ko ba titigil ang oras. Hindi rin. Sandali lang daw sya dun. Bilisan ko raw sabi nila. Baka di ko raw maabutan.
Hindi ba mas mabuti na lang kung ganun?
___________________________________
Nakita ko sa kanto ang dati naming MVP. Pinsan ng may birthday. May asawa na sya.
“O, nandyan si ano ah.”
“Ah talaga?” Kunyari di ko alam. Ano ka ba, kaya nga ako pumunta e.
Parang ayoko nang tumuloy. Dapat pala tinapos ko na lang ang test matrices ko sa OJT. Dapat nagpakaburo na lang ako sa harap ng PC. Pano ba ako napunta dito? May project pa pala ako. Teka, wag na lang.
Teka, pare, may pupuntahan pa pala ako. Uy, di mo ba ako naririnig, ayoko na tumuloy!
“O ayan na si ninong!” sabi nung nag-imbita sa akin. Nakita na nila ako.
“Ninong!”
Taking fire. Need backup!
Fire in the hole!
Team, fall back!
Man down! Man down!
Ayun sya nakaupo. Kumakain. Ano ba itong pinasok ko. Eto namang si birthday inviter, nanggatong pa. Dun pa ako pinaupo sa tabi. Anong sasabihin ko? Ano bang dapat gawin? Tanging ina.
Virtual Memory Low. Increase page file size.
“Asan na ang regalo ko?”
Ngingiti ako. “Next time na lang,” narinig kong sinabi ko.
“O, ninong kain muna,” sabi ni birthday inviter. “Saan ka galing?” sabay abot ng pinggang puno ng pancit malabon. Sino ang kakain nun, ako? Nasusuka ako. Ayoko ko kumain.
“OJT sa Makati. Asan na yung iba? Si teacher’s daughter at registered nurse?” Umalis na raw. Nag-uusap siya at si assumptionista. OP ako. Ala pala akong tropa na darating. Isa itong set-up! Set-up! Nakatalikod sya. Lulunukin ko na lang itong pansit.
Nung lumaon nakausap ko rin sya ng konti. Konti lang. Hindi talaga ako ipinanganak para sa mga ganitong pagkakataon. Maya-maya naghanda na syang umalis. Binigay ko ang regalo ko.
“Hala. Joke lang yun, ano ka ba? Akin to?”
Hindi. Akin yan. O_o Akin na nga. Pinakita ko lang sa’yo e. Akala mo naman…
“Thank you.”
Thank you lang? oh, c’mon. tatlong bundok ang tinawid ko para dyan. Haha.
May pasok pa raw sya ng alas-siyete. Kailangan nya na umuwi. Nightshift sya. Hinatid namin sya sa sakayan. Konting usap. Konti lang. Hindi talaga ako ipinanganak para sa mga ganoong pagkakataon.
“Salamat sa gift ah. Nag-abala ka pa. Binibiro lang kita.”
“Minsan lang naman e.” Thank you lang? Thank you lang?
“Sabi mo yan ah.” Ngingiti sya. Ngingiti ako. All is well in the world.
_______________________________
Happy ending?
Asa.
Pagkatapos ng araw na yun. Naglaho na naman sya. Gone with the wind. Ok lang, ok lang. Wag ka magreply, ok lang. Wag ka magtext, ok pa rin. Mahal na ang piso ngayon, alam ko. E ano kung nilamon kang muli nang lupa. E ano? Mali, mali, mali. Ayoko na talaga. Oo, ayoko na sabi e. Nakakamanhid na.
Immortal na ako.
Pero hihimlay lang ako sandali.

Friday, October 26, 2007

QA sa OJT

"Programming today is a race between software engineers striving to build bigger and better idiot-proof programs, and the Universe trying to produce bigger and better idiots. So far, the Universe is winning."
~Rich Cook


Abala ako nitong mga nakaraang araw. At magiging abala pa sa mga susunod.

Hindi ko na naasikaso ang blog na ito. Lalo na yung isa pang bago.

Sinasanay ko ulit ang katawan kong gumising ng maaga para pumasok. Hindi sa eskwela, o sa isang classroom lecture kung saan may prof, kundi sa trabaho na may grade din kapag lumaon.

Nag-o-OJT na si ninong.


Gigising ako ng alas siyete y medya. Gagawin ang ritwal sa umaga na almusal-noodtv-ligo-bihis pagkatapos ay aalis ng bahay ng alas otso y medya. Sasakay sa "shuttle" na nagkakahalaga ng halos kalahati ng aking arawang stipend. Kinse minutos at Makati na. Tapos halos kalahating oras para makarating lang ng Ayala Avenue mula sa DaangLangit dahil sa mabagal na daloy ng mga sasakyan at mga stopover.

Bababa ako sa "second bus stop" na labinglimang hakbang lang ang layo mula sa "first bus stop". Hindi pwede magbaba ng mga tao sa "third bus stop".

Titingala ako at tatanawin ang matatayog na gusaling parang mga punong gustong abutin ang langit. Makikita ko ang mga taong tila butong pinapatubo ang mga gusali. Lalakad ako ng konti. Masasalubong at makakasabay ang mga taong nakapolo, nakapolo-shirt, naka-slacks, nakaformal, nakacorporate attire.

Bihira ang naka-tshirt sa Ayala Avenue. Hindi mukhang ninong si ninong sa Makati. Para siyang naka-camouflage. Halos lahat ay mga ninong at ninang, senador, kongresista at mga pangulo.

Depende sa oras ang bilis ng lakad ng mga tao. Kapag alas nuwebe pa lang medyo mabagal pero habang umaakyat si Haring Araw e bumibilis rin ang kanilang mga hakbang.

Dahil nasa kabilang kalsada ang Plaza ng Langit sa Makati, bababa ako sa isa sa kanilang ubod ng linis na tulay sa ilalim ng lupa. Maraming patalastas ang paligid nito at umaakyat mag-isa ang hagdan nito kapag pataas ka na. Dahil maraming labasan ang tulay may mga simbolo ng gusto mong puntahan para hindi mabiro ng mga engkanto.

Pag-akyat ay sasalubong sa akin ang Pasipikong Tore ni Rufino. Dito sana ako mag-o-OJT kaya lang pinaghintay ako ng isa sa mga kumpanya dito ng ilang araw. Sa pangambang magipit ako sa oras, hindi ko na sila kinulit. Nagsimula na ako sa ibang kumpanya nung tumawag sila at nag-aalok ng mas malaking pampalubag-loob.

Sayang.

Di bale, ipapabili ko na lang ang kumpanya nila kay sir Kokok kapag naging ubod ng yaman na niya. Tapos saka ako mag-oOJT dun para mas malaki na ang allowance ko.

Konting lakad pa at mararating ko na ang aking destinasyon. Papatingnan ko sa gwardiya ang aking mga dalahin, baka sakaling nadala ko ang aking C4. Lagi ko namang naiiwan.

Kahapon ko lang nakuha ang aking pansamantalang ID, bago yun ay ilang araw rin akong nagtyaga na iwan sa kanilang tagatanggap ang aking School ID kapalit ng isang Visitor ID.

May apat na mahiwagang pinto malapit sa lugar ng tagatanggap at papasok ako sa unang bubukas. Papasok ako sa isang maliit na silid na bumubukas ang pinto sa iba’t ibang dimensyon. Pipindutin ko ang simbolong "4" at maghihintay.

Bubukas ang pinto. Makikita ko ang salaming pintong may batobalani. Nakapinid ng mabuti ang pintuan. Mabuti na lang at binigyan ako ng agimat para lampasan ang balakid na ito. Isang maliit na parihabang kulay puti. Itatapat ko ito sa pindutang umiilaw ng kulay pula. Magiging luntian ang ilaw at bubukas ang mahiwagang pinto.

Bilang patunay sa aking presensya, ililista ko sa isang papel ang oras ng aking pagdating katapat ng aking pangalan. May sumumpa ata sa kanilang mahiwagang tagalista ng presensya kaya ang mga tao’y nagtitiyaga sa mano-manong paglilista.

Whew. O_O.
____________________________

Walong araw na ako sa kumpanyang ito. Teloworks Inc. Philippines. Ang dating pangalan nila ay Enterworks pero nagkaroon ata ng merge kaya nabago ang pangalan.

Total hours logged : more or less 70 hours kasama na ang lunch break.

Trabaho : QA

Ano ba ang QA? Qute at appealing? Question and Answer? Quezon Ave.?

Ang QA ay tumutukoy sa Quality Assurance. Tawagin mo na akong mangmang pero nung isang taon, kapag sinabi mong QA, ang naiisip ko ay yung taong nasa conveyor line na tumitingin sa mga piyesa kung pasado ba ito sa quality tapos tatatakan ang produkto ng stamp na may nakalagay na Quality Checked.

Pero hindi lang pala panghardware ang QA. Dahil kahit ang Software Development ay mayroon ding Quality Assurance. Dahil wala namang taong perpekto at lahat ay nagkakamali, hindi imposible na ang isang program ay magkaroon ng maraming errors o bugs.

Minsan sa paggawa ng program mahirap i-anticipate lahat ng magiging mali lalo na kung ikaw ang gumawa ng program code. May mga bagay kasi na madaling ma-overlooked. Kung maliit lang ang program madali lang itrace kung saan at ano ang mali. Pero habang lumalaki ang program, mas humihirap rin ang pagdebug dito.

Kaya naman may separate group ng mga taong magchecheck ng nagawang program para makita ang mga bugs at maisaayos ang mga ito. Ang tawag sa kanila ay mga Qute at Appealing este Quality Assurance.

In short, ang trabaho nila ay siraan ang software... este ang maghanap ng butas at ng mga mali.

At dahil Qute nga ako (bawal umangal) at hmmm...sige na nga, umaamin na ako, Appealing na rin, sa QA ako napunta.

Saturday, October 13, 2007

The Long- Awaited Comeback Post Part 1

"My mind is like lightning... one brilliant flash and it's gone."
~Anonymous

Kamusta na kayo?

Tila kay tagal ko ring nanahimik sa blog na ito. Nag-iinarte pa ako nung huling post ko ah. Haha.

Minsan raw dumadating sa isang tao ang panahon na ayaw nyang gawin ang ilang bagay na palagi nyang ginagawa kahit gaano nya kagusto dahil sa ayaw nya lang gawin. Baka kapag napigil nya ang sariling gawin yun e kahit paano nasa kanya pa rin ang desisyong piliin kung anuman ang gusto nya gawin at di lang dahil pakiramdam nya ay kailangan nyang gawin yun..

Malabo? Di ko rin naintindihan e.

Sa mga gustong malaman ang mga nakaraang pangyayari sa aking buhay, hindi ko kayo bibiguin. Bibigyan ko kayo ng ubod ng habang comeback post para naman hindi na kayo magtampo.

So, ano na nga ba ang nangyari?


Monday, September 24

Unang araw ng napaka- ubod ng habang 1-week sembreak mula sa Mapúa.

Sa sobrang bilis, parang mas mahaba pa ang pagtype ko ng post na ito kaysa sa panahong ititimbre ko sa bahay sa buong linggo na iyon. Bukod sa enrollment week din ang linggong iyon, kailangan ko pang maghanap ng kumpanya na papasukan para sa aking OJT, ang huling balakid sa mumunting papel na tinatawag nilang diploma.

Kabado ako. Mag-isa kong tutunguhin ang lungsod ng Makati upang maghanap ng kumpanya. Bihira lang ako sa Makati. Di ko alam ang lugar. Ang alam ko lang ay papunta pero ang pabalik, hindi. Lalo na ang paikot-ikot nito. Ayoko magpasama o humingi ng tulong dahil may topak nga ako. Gusto ko ako mag-isa.

Bago gumala, tumingin ako sa internet ng mapa ng Makati. At ini-sketch ito sa papel. Minarkahan ko ang isa sa mga kumpanya na nakalista sa kinuha kong List of Accredited OJT Companies mula sa department. Binalak kong unahin ang Level-Up sa Pacific Star Building. Kasi sabi sa akin nainterview agad yung mga nag-apply ng ojt dun.

Gusto ko sana magsimula na agad. Bali-balita kasing madaling kapusin sa oras kung matatagalan ka sa paghahanap. 240 hours ang requirement. Anim na linggong walang absent o overtime. 11 weeks lang ang isang term. 10th week ang defense. Ibig sabihin dapat pagdating ng Week 3 o 4, nagsisimula na ako.

Bukod sa Level-Up, minarkahan ko rin ang Petron. Maganda raw dun mag-ojt sabi nung isa kong kakilala. Tapos minarkahan ko rin ang Accenture.

Malabo ang sketch ko. Minadali ko kasi. Sabi ko pagdating na lang sa Makati ako mamomoblema.

Gumising ako ng maaga. Mga alas-otso. Almusal. Ligo. Bihis. Nagpolo ako. Sabi rin kasi sa akin na mas maganda kung naka-semi formal ka habang naghahanap ng OJT para mukhang presentable. Baka interviewhin din agad kasi. Blah blah blah.

Maraming daan papuntang Makati. May bus sa SLEX, MRT papuntang AYALA, bus sa Buendia, jeep, fx… At meron ring mga van o shuttle kung tawagin. At may sakayan nito malapit sa amin. P45 ang pamasahe kahit san ka bababa. Dadaan raw kasing SKYWAY.

Ooooh.

Nung nagbayad ako sa “dispatcher”, sabi ko sa Landmark ako bababa. Yun lang alam kong lugar e. Hahaha. Halatang taong-bahay. Binigyan ako ng “stub”, isang piraso ng kulay pink na papel (2x2) na nababalutan ng Scotch tape at may stamp ng kung ano mang asosasyon nila. Baka Samahan ng Mga May-ari at Drayber ng Colorum na Van at Shuttle Papuntang Makati Assoc. of the Philippines.

Tapos.

Sumakay ako at sinilip ang aking munting map sketch. "Ok, eto na tayo," sabi ko sa sarili.

Binagtas ng L300 van ang kahabaan ng SLEX at SKYWAY hanggang marating ang Makati. Nakaidlip ako dahil medyo puyat din. Na naman. Umikot ang sasakyan sa may Arnaiz Avenue. Nakita ko ang Fujitsu, isa sa mga kumpanyang pwede ko aplayan. Naisip kong puntahan na lang yun mamaya.

Dumating kami sa Landmark. Pano ko nalaman? Sabi nung drayber e. Haha. Landmark na raw yun. Napansin kong hindi bumaba lahat ng pasahero. Kaya naman hindi rin ako agad bumaba. Naisip kong aantayin ko na lang bumaba yung mga pinakahuli. Para malaman ko na rin ang ruta ng shuttle na ito. Wais ata to.

Dumaan ang van sa Paseo de Roxas hanggang kumaliwa ito sa may Ayala Avenue. Nakita ko na ang mga matayog na gusaling tila tatak na ng Makati. Nakakalula kahit tumitingala lang ako. Siguro hindi halatang baguhan ako kasi tinanong ako ng katabi ko kung ang babaan nung papuntang Rufino. Sabi ko, "ah, dun lang po yan sa ano... sa... ah... dun sa... manong drayber, saan daw yung papuntang Rufino?"

Nung bumaba sya dun sa tinatawag nilang Bus Stop 2, bumaba na rin ako…

(itutuloy)

Sunday, September 23, 2007

Ad Lib

Ang post na ito ay diretso kong tinatype sa blogger. Karamihan, kung di man lahat, ng mga post ko ay nakatype muna sa MS Word bago kina-copypaste sa blogger. Nakakatrauma kasi pag napakahaba na ng post mo tapos biglang hindi mapu-publish. Tapos di mo pa nasave sa kung saan. Uulitin mo na naman ang post mo.

E bakit nga dito ako nagtatype ngayon?

Ngapala, natanggap ko na ang aking bagong bago at makinis pang bloghost at domain. Naaalala ko nung bago ako sumali sa kontes, tiningnan ko yung prize, waw, webhosting at domain... kewl! kapag nanalo ako astig, may domain na ako.

pinalad manalo ng domain at hosting. 1 taon. kakakuha ko lang last week.

ano na pagkatapos?

buhay na yung domain pero wala pa ako talagang nailalagay na laman. isa sa mga dahilan siguro ay dahil medyo abala ako sa academics. ayaw ko na bumagsak e. so medyo backseat muna ang blogging.

natapos na ang Finals week. Di ko pa nakikita ang grades ko. Natapos naman nang malumanay ang mga defense ko. Sana ok na. Kung magiging ok ang lahat, OJT na lang ang subject ko next term. 240 hours at isang docu at defense, tapos na ang B.S. Computer Engineering.

lagi akong may pakiramdam na hindi ako handa. gaya na lang nung napanalunan ko yung webhosting at domain, di ko alam ang gagawin pagkatapos. yung OJT, ang paggraduate.

ano na pagkatapos?

naisip kong hindi pala planado ang buhay ko. may mga nakakausap ako at ang dami nilang naiisip na gagawin pagkatapos nito, pagkatapos nun. ako, naglalakad sa buhay nang nakapiring.

meron bang fear of planning? meron ata ako nun e. parang kapag nagplano ako, hindi mangyayari yung pinaghandaan ko at sayang lang ang paghahanda. alam kong mali ang ganung paniniwala pero di ko mabago yun.
that by procrastinating, the things I dread will come to pass.
bakit nga ba nagpapaka-oa ako sa mga ganitong bagay. ?_?

Saturday, September 15, 2007

Hell Week na naman?

Do you ever get the feeling that the only reason we have elections is to find out if the polls were right?
~Robert Orben

Hindi talaga ako mahilig mangampanya.

Kaya naman hindi na kita pipilitin na iboto ako bilang Blog of the Week # 73 sa site na ito. Kahit na nangungulelat ako sa polls, hinding-hindi na kita pipilitin. Kahit na gusto ko lang naman e kahit hindi na ako manalo dun e huwag naman ako masyadong mapahiya. (insert smiley here)

Wala namang premyo ang botohan na yun. Mas sisikat lang ako ng konti. Konti lang naman. Mas makilala rin kahit pano. Mga additional 2.834% na magiging household name ang blog ko. Bukod dyan, magkakaroon pa ako ng handy-dandy badge na mailalagay ko dito sa blog ko bilang patunay na marami akong nakonsensya.

Paano ba bumoto? Hmmm... di ko pa sigurado kung gumagana yung nilagay ko dun sa sidebar. Pero try nyo na lang. Check yung box tapos click vote. Pag di gumana, dun sa site na lang. Alam mo bang mas matagal pa ang pagbasa mo sa pangungusap na ito kaysa sa pagboto mo? Haha.

Isang araw na lang ata ang nalalabi para iangat nyo ang estado ko. Pero ok lang kung tinatamad ka. Ok lang kahit ayaw mong bumawi sa hindi mo pagboto sa wika2007 entry ko. Ok lang talaga. Pero matutuwa lang naman ako pag binoto mo ako.

Di pa ba sapat yun?


Wala nga palang kinalaman ang intro at ang quote sa main entry.

Patapos na naman ang isang term sa Mapúa. Patapos na rin ang tinaguriang Hell Week ng mga estudyante. Sa isang Quarterm, yun ay kadalasang natatapat sa 10th week, yung linggo bago magFinals week. Sa linggong ito lahat ng mga instructor ay nagkakaroon ng kontsabahan para sabay-sabay na magcheck ng mga projects, magpagawa ng mga portfolios at higit sa lahat, magpahabol sa kani-kanilang mga estudyante.

Mahahalata mo na hell week na sa amin kahit hindi ka Mapúan. Ilan sa mga palatandaan ay ang mga sumusunod na nilalang:

  1. Ninong clones. Kung dati yung mga GC (Graduating Cunyari) students at mga professors lang ang nakapolo o kaya nakacorporate attire, makikita mong pati ang mga nene at totoy ay nakabihis na parang pupunta ng kasal o binyag. Minsan makakjackpot ka at makakatyempo pa ng nakabarong. Under kay Ma’m Fairy Tale yun madalas. Nagbarong din ako dati e.

Attack: 15 Defense: 25
Weak against: Prototypists

  1. Rush mode. Maraming tumatakbo sa loob ng school o kaya mga mabilis maglakad. Kung lalaki, dalawang baitang ang bawat hakbang nila sa hagdan. Mga pawisan, humahangos at hinihingal. Basa ng pawis ang mga damit. Kumakain ng sorbetes habang naglalakad. Ito ang mga taong nagmamadali para sa defense, sa exam o kaya mga tulad ko na na-late sa klase dahil “trapik”.

Attack: 25 Defense: 5
Strong against: Abangis

  1. Abangis. Malalaman mong hell week na kung makikita mo ang mga ito. Mga taong nakatambay sa labas ng mga faculty room, sa labas ng dean’s office, sa labas ng mga classroom o kahit sa labas ng C.R para lang masilayan ang kanilang mga professor na biglang nagteteleport naglalaho kapag hinahanap.

Attack: 5 Defense: 5
Weak against: All types

  1. Prototypists. Mga taong gumagawa ng prototype o machine problem mula sa school of EE-ECE-COE. Nahahati sa apat na kategorya.

1. Solderers –Nagtutunaw ng solder lead para sa mga PCB nila gamit ang soldering iron. Kadalasang malalamlam ang mga mata dahil nakakalanghap ng tingga. Mainitin ang ulo, matatalim ang ngipin. naangangain ng usisero.

Special ability: Nanununog ng kilay. Solder Gun.

2. FeClers – Mga taong umiihi sa lababo, sa sahig ng CR, sa corridors, sa maliliit na planggana o sa mga tupperware gamit ang kanilang mga Ferric Chloride solutions. Kulubot at naninilaw ang balat sa mga palad. Galit kay Sir Angas o kaya kay Sir Zzexe.

Special ability: Nangangalmot. Chemical spray.

3. Programmers – Mga gumagawa ng machine problem. Armado ng kanilang mabibilis na daliri at makabagong teknolohiya, sinusubukan nilang gumawa ng mga virus para atakihin ang firewall ng Mapúa upang ihack at ipasa ang kanilang C++1, C++2, Assembly, Compiler o Software Engineering laboratories kahit hindi gumana ang kanilang mga ginawang project.

Special ability: Nambabato ng mouse. Syntax error.

4. Moral Supporters – Mga nagpapanggap na tumutulong. Nag-aalok ng malaespiritwal na suporta. Madalas wala sa mga overnight. Madalas di mautusan. Madalas wala. Pwede rin laging nandun, mga usiserong nakatingin sa kanilang mga kagrupong abala sa paggawa. Minsan tagagawa ng documentation, tagapakain, nagpapahiram ng bahay, financer, kontratista, girlfriend, boyfriend o kaya naman e none of the above.

Special ability: Parasitism.

At yan ay ilan lamang sa mga nilalang na naglilipana kapag hell week (inaantok na ako e). Sa loob ng isang linggo, maaaring magpalipat-lipat ng anyo ang mga ito depende sa subject, year level at uri ng mga kagrupo. Matapos makakuha ng sapat ng EXP (Experience Points) ay nag-eevolve ang mga ito tamang-tama lang para umabot sa Finals week.