Sunday, September 23, 2007
Ad Lib
E bakit nga dito ako nagtatype ngayon?
Ngapala, natanggap ko na ang aking bagong bago at makinis pang bloghost at domain. Naaalala ko nung bago ako sumali sa kontes, tiningnan ko yung prize, waw, webhosting at domain... kewl! kapag nanalo ako astig, may domain na ako.
pinalad manalo ng domain at hosting. 1 taon. kakakuha ko lang last week.
ano na pagkatapos?
buhay na yung domain pero wala pa ako talagang nailalagay na laman. isa sa mga dahilan siguro ay dahil medyo abala ako sa academics. ayaw ko na bumagsak e. so medyo backseat muna ang blogging.
natapos na ang Finals week. Di ko pa nakikita ang grades ko. Natapos naman nang malumanay ang mga defense ko. Sana ok na. Kung magiging ok ang lahat, OJT na lang ang subject ko next term. 240 hours at isang docu at defense, tapos na ang B.S. Computer Engineering.
lagi akong may pakiramdam na hindi ako handa. gaya na lang nung napanalunan ko yung webhosting at domain, di ko alam ang gagawin pagkatapos. yung OJT, ang paggraduate.
ano na pagkatapos?
naisip kong hindi pala planado ang buhay ko. may mga nakakausap ako at ang dami nilang naiisip na gagawin pagkatapos nito, pagkatapos nun. ako, naglalakad sa buhay nang nakapiring.
meron bang fear of planning? meron ata ako nun e. parang kapag nagplano ako, hindi mangyayari yung pinaghandaan ko at sayang lang ang paghahanda. alam kong mali ang ganung paniniwala pero di ko mabago yun.
that by procrastinating, the things I dread will come to pass.
bakit nga ba nagpapaka-oa ako sa mga ganitong bagay. ?_?
Saturday, September 15, 2007
Hell Week na naman?
Do you ever get the feeling that the only reason we have elections is to find out if the polls were right?
~Robert Orben
Hindi talaga ako mahilig mangampanya.
Kaya naman hindi na kita pipilitin na iboto ako bilang Blog of the Week # 73 sa site na ito. Kahit na nangungulelat ako sa polls, hinding-hindi na kita pipilitin. Kahit na gusto ko lang naman e kahit hindi na ako manalo dun e huwag naman ako masyadong mapahiya. (insert smiley here)
Wala namang premyo ang botohan na yun. Mas sisikat lang ako ng konti. Konti lang naman. Mas makilala rin kahit pano. Mga additional 2.834% na magiging household name ang blog ko. Bukod dyan, magkakaroon pa ako ng handy-dandy badge na mailalagay ko dito sa blog ko bilang patunay na marami akong nakonsensya.
Paano ba bumoto? Hmmm... di ko pa sigurado kung gumagana yung nilagay ko dun sa sidebar. Pero try nyo na lang. Check yung box tapos click vote. Pag di gumana, dun sa site na lang. Alam mo bang mas matagal pa ang pagbasa mo sa pangungusap na ito kaysa sa pagboto mo? Haha.
Isang araw na lang ata ang nalalabi para iangat nyo ang estado ko. Pero ok lang kung tinatamad ka. Ok lang kahit ayaw mong bumawi sa hindi mo pagboto sa wika2007 entry ko. Ok lang talaga. Pero matutuwa lang naman ako pag binoto mo ako.
Di pa ba sapat yun?
Wala nga palang kinalaman ang intro at ang quote sa main entry.
Patapos na naman ang isang term sa Mapúa. Patapos na rin ang tinaguriang Hell Week ng mga estudyante. Sa isang Quarterm, yun ay kadalasang natatapat sa 10th week, yung linggo bago magFinals week. Sa linggong ito lahat ng mga instructor ay nagkakaroon ng kontsabahan para sabay-sabay na magcheck ng mga projects, magpagawa ng mga portfolios at higit sa lahat, magpahabol sa kani-kanilang mga estudyante.
Mahahalata mo na hell week na sa amin kahit hindi ka Mapúan. Ilan sa mga palatandaan ay ang mga sumusunod na nilalang:
- Ninong clones. Kung dati yung mga GC (Graduating Cunyari) students at mga professors lang ang nakapolo o kaya nakacorporate attire, makikita mong pati ang mga nene at totoy ay nakabihis na parang pupunta ng kasal o binyag. Minsan makakjackpot ka at makakatyempo pa ng nakabarong. Under kay Ma’m Fairy Tale yun madalas. Nagbarong din ako dati e.
Attack: 15 Defense: 25
Weak against: Prototypists
- Rush mode. Maraming tumatakbo sa loob ng school o kaya mga mabilis maglakad. Kung lalaki, dalawang baitang ang bawat hakbang nila sa hagdan. Mga pawisan, humahangos at hinihingal. Basa ng pawis ang mga damit.
Kumakain ng sorbetes habang naglalakad.Ito ang mga taong nagmamadali para sa defense, sa exam o kaya mga tulad ko na na-late sa klase dahil “trapik”.
Attack: 25 Defense: 5
Strong against: Abangis
- Abangis. Malalaman mong hell week na kung makikita mo ang mga ito. Mga taong nakatambay sa labas ng mga faculty room, sa labas ng dean’s office, sa labas ng mga classroom o kahit sa labas ng C.R para lang masilayan ang kanilang mga professor na biglang
nagteteleportnaglalaho kapag hinahanap.
Attack: 5 Defense: 5
Weak against: All types
- Prototypists. Mga taong gumagawa ng prototype o machine problem mula sa school of EE-ECE-COE. Nahahati sa apat na kategorya.
1. Solderers –Nagtutunaw ng solder lead para sa mga PCB nila gamit ang soldering iron. Kadalasang malalamlam ang mga mata dahil nakakalanghap ng tingga. Mainitin ang ulo, matatalim ang ngipin. naangangain ng usisero.
Special ability: Nanununog ng kilay. Solder Gun.
2. FeClers – Mga taong umiihi sa lababo, sa sahig ng CR, sa corridors, sa maliliit na planggana o sa mga tupperware gamit ang kanilang mga Ferric Chloride solutions. Kulubot at naninilaw ang balat sa mga palad. Galit kay Sir Angas o kaya kay Sir Zzexe.
Special ability: Nangangalmot. Chemical spray.
3. Programmers – Mga gumagawa ng machine problem. Armado ng kanilang mabibilis na daliri at makabagong teknolohiya, sinusubukan nilang gumawa ng mga virus para atakihin ang firewall ng Mapúa upang ihack at ipasa ang kanilang C++1, C++2, Assembly, Compiler o Software Engineering laboratories kahit hindi gumana ang kanilang mga ginawang project.
Special ability: Nambabato ng mouse. Syntax error.
4. Moral Supporters – Mga nagpapanggap na tumutulong. Nag-aalok ng malaespiritwal na suporta. Madalas wala sa mga overnight. Madalas di mautusan. Madalas wala. Pwede rin laging nandun, mga usiserong nakatingin sa kanilang mga kagrupong abala sa paggawa. Minsan tagagawa ng documentation, tagapakain, nagpapahiram ng bahay, financer, kontratista, girlfriend, boyfriend o kaya naman e none of the above.
Special ability: Parasitism.
At yan ay ilan lamang sa mga nilalang na naglilipana kapag hell weekFriday, September 7, 2007
Victory Post
“If at first you do succeed, try not to look astonished.”
~Anonymous
(insert picture here some other time)
Dahil lahat ng nananalo ay kailangan may speech.
Kung hindi mo pa alam, nanalo po ako ng 3rd prize sa wika2007 blog writing contest para sa akdang “Ang Obra”.
Yehey! Clap clap.
Noon, akala ko magaling ako. Ngayon, alam ko nang magaling talaga ako.
Hahaha. Toink!
Nagpapasalamat ako sa mga bumoto sa entry ko.
Mga 37 sila maliban sa akin at sa kapatid kong ipinagplantsa ko pa ng uniporme para lang mapilit na iboto ako. Salamat sa mga taong bumoto matapos kong pagbantaan ang mga buhay nila at dun sa mga natakot maisumpa sa kawalan. Salamat sa mga napilitan at nakonsensya sa mga pasaring ko. Di ako mananalo kung hindi ko kayo napilit. Hehe.
Hindi ko kilala yung iba sa mga bumoto sa akin dahil hindi naman sila nagparamdam sa blog ko. Pero maraming salamat sa inyo. Salamat din kina paolo, tannix, tina, sir armand, sherma, timlight at mga taga-bodega. At yung iba pa para sa moral support.
Sa mga taong hindi bumoto sa akin, salamat na rin. Huhu. Alam nyo kung binoto nyo lang ako, baka nakabingwit pa tayo ng grand prize. (bitter) Malapit lang ang labanan e. Halos magkakalapit lang ang scores. Sayang. Tsk tsk. Haha. Pero ok lang. Bati ko pa rin kayo. Hmmph!
Nagpapasalamat ako sa mga judges.
Nagpapasalamat dahil pangalawa ako sa ratings nila. Sa 57 na sumali, pangalawa ako para sa mga huradong ito. Isang karangalan para sa akin na na-appreciate nila ang ginawa ko. At nagustuhan nila ang aking halo-halo.
Salamat din sa mga organizers at sponsors sa pinoyblogosphere.com na bumuo sa paligsahan na ito. Sana magkaroon ng marami pa.
Congrats rin ngapala sa iba pang mga nanalo tulad ni Ynon (na bumoto rin sa entry ko) na second prize para sa "Naykupu" at kay Ding Fuellos na grand prize para sa "Tungo sa Pagbabanyuhay".
Salamat sa Sinangag Express para sa Tapsi na naging hapunan ko habang ginagawa ang blogpost ko. Salamat sa Smartbro na hindi nagloko kaya umabot pa rin ang entry ko. Salamat sa Sukob na palabas sa t.v. at naririnig ko sa likod ko habang ginagawa ang entry na yun. Baka nakatulong ang mga sigaw ni kris aquino at claudine baretto para makapag-isip ako.
Salamat sa Lycee D' Regis Marie kung saan ako nag-aral ng elementary at sa direktor na si jenalyn aboga. Sa mga kras ko nun salamat din. Pati dun sa gumanap na Sergio Osmena. Kung nasaan man kayo, nandun kayo.
Salamat sa lahat ng taong kilala at di ko kilala. Lahat tayo ay magkakaugnay. At higit sa lahat, World Peace!!!
_________________________
Bukod sa prize money ay may kasamang 1yr domain registration at 100mb hosting na premyo ang mga nagwagi sa patimpalak. Ibig sabihin, pagkatapos ng matagal na pangangarap at pagkainggit sa mga taong may sariling domain mula ng makita ang site ni Ronibats, o kaya ni Namre, magkakaroon na rin ako ng akin.
Problema ko ngayon e kung ano ang gagamiting domain name. Weakness ko kasi ang magpangalan ng mga bagay-bagay, unless professor ko sya. Yun madali yun. May nakauna sa ninong.com e. Malamang. Hmmm… Any suggestions?