“After the first glass, you see things as you wish they
were. After the second, you see things as they are not. Finally, you see things
as they really are, and that is the most horrible thing in the world.” - Oscar
Wilde
Sabi nga nila pag nakainom nawawala ang mga inhibition mo…
may mga di naman sumasayaw pero bigla na lang humahataw nang wala sa sarili… may
mga sobrang seryoso sa buhay na bumabalik sa pagkabata at nagiging maharot at
makulit… may mga tahimik na bigla na lang nagiging makwento. Minsan, nagiging
makatotohanan din ang usapang lasing lalo na pag seryoso.
Di pa ako ganun kalasing nung panahon na yun para sabihin
lahat, kahit na hmmm… iniisip ko kung mas maganda kung nasabi ko na din yun.
Para may makaalam na kung sino talaga yung gusto ko “iprospect”(?) at mapilitan
na akong may gawin…di yung ganitong puro overanalysis na naman ako at puro
pagpapaliban…
Pero mabalik tayo sa usapan… napansin ko na sa lahat ng
naging parte ng lovelife ko na umabot naman ng mutual understanding phase, e
tila sinabotahe ko bago maging higit pa kaysa dun. Ayos na ang standing ko e,
tapos para bang unti unti e natutulak ko sila palayo. May mga bagay akong
ginagawa o di ginagawa at ang nangyayari lumalabo ang tsansa ko… tapos aayaw agad
ako sa sandaling magmukhang malabo. Kesyo ayaw ko ipilit ang sarili ko sa ayaw
sa akin o kung ano pang dahilan maisip ko.
Takot ba ako mag-commit? Hmmm. Napansin ko na baka nga
totoo... Di lang ako takot ma-reject. Takot din ako pag nagtuloy-tuloy. At
minsan pinipili ko pang mareject na lang. Naaalala ko inisip ko nun sa isa, “mukhang
mas magiging masaya sya dun sa isa kaysa sa akin”. Anong gagawin ko kung
sakaling kami na, dami-daming gagawin siguro, etc... Dun nga sya napunta sa
isa, pero di na rin naman sila ngayon kaya siguro di rin sya ganun kasaya.
Baka nga naman di ko binigay lahat nung “nanliligaw” ako
sa kanila. May mga bagay akong pwedeng gawin pero pinili kong hindi na lang.
Baka sayang sa effort. Baka mauwi lang sa wala. Baka pumalpak. Alam ko mali,
pero hmmm, minsan talaga iba ang alam mo sa ginagawa mo. Baka makapagbigay pa
ako ng mabuting payo sa ibang tao pero mukhang ako mismo di ko kayang sundin
ang payo ko.
Bakit ko ba sinasabi ito dito. Nagmumukha lang akong
loser. Siguro gusto ko lang maupo at isipin ang mga ganitong bagay, lalo na
wala naman akong kausap sa mga ganito. Maiisip ko lang kung ita-type ko o
isusulat at matagal-tagal na rin akong di nagsusulat… Baka pag sinabi ko sa iba
e kung ano pa isipin nila. Walangjo. Matanda na ako ganito pa din. Marami sa
kilala ko may asawa na o kaya nasa long term relationship. Ako ni ha ni ho,
wala pa. Hmmm.
Kailangan ko ba malasing ulit para malinawan?