Saturday, September 20, 2008

Project Lafftrip Laffapalooza


Medyo natagalan ako bago matapos ang post na ito sa simpleng kadahilanan na matagal ko na itong hindi ginagawa, at nakalimutan ko na kung paano. Limang buwan pa lang ang nakakaraan pero mukhang nakalagay sa Recycle Bin ng utak ko lahat ng may kinalaman sa pagbloblog at yung ibang files e nabura na. Buti na lang di ko pa nalilimutan password ko.

Nag-expire na yung domain na napanalunan ko dun sa pakontes ng pinoyblogosphere. At hindi ko nagamit. Mabilis rin pala ang isang taon kung di mo iisipin. Sayang. Malamang binigay ko na yun dati pa sa kung sinomang gusto gumamit ng ninong.net na domain.

Marami nang blog ngayon. Nakakalula nang dalawin isa-isa. Gumawa na rin sila ng sari-sarili nilang tribo. Nagsama-sama, nagkumpol-kumpol at syempre nagkaaway-away. Kanya-kanyang pasiklaban, kaniya-kaniyang pataasan ng ihi.

Natabunan na ang mga taong may sariling mundo.
________________________________

Gaya ng karamihan sa post ko dito, walang kinalaman ang intro sa gusto kong sabihin. Hehe. Gusto ko lang sumali dun sa pagboto ng Project Lafftrip Laffapalooza ni Badoodles sa kwentongbarbero.com.

Dahil mahilig akong nagmamadali ginagawa ko ang post na ito isang oras bago ang deadline. Ang alam ko mamayang 12:00 am pa ang deadline pero di rin ako sigurado. Wala naman nang mababago ang boto ko, mukhang malalayo naman ang agwat nila sa standings. Pero sayang naman kung ako dapat yung mananalo nung premyo diba? House and lot din yun, este 15k pala.

Hindi ko na iboboto ang sarili ko. Maswerte sila dahil hindi na ako kasali. Di sin sana ako na ang nagmamakaawa at nagpapatirapa para sa boto nyo. Na hindi ko naman na pala kailangan dahil malamang kung kasali ako landslide. Panalo na sila. Hehe.

Botohan na:

1. Chiksilog.com - pinagbabantaan nya ang buhay ko kapag di ko siya naiboto. Kaya eto binoboto ko na sya dahil napakalakas nya sa akin. Itinigil ko muna ang paggawa ng wala para gumawa ng entry dahil mahal ko pa... ang buhay ko at marami pa akong pangarap sa buhay. Hehe. Di raw sya humor blog. Pero marami pa rin ang nagkakamali.

2. The Loser's Realm - kulang ang pinambayad nya sa akin para sya ang gawin kong top1 vote ko pero sapat na para ilagay ko sya sa number 2. Magbabago na habambuhay ang tingin ko sa banyo dahil sa litrato kung san nakita ko syang kumakain habang nakaupo sa trono. Pero kasingkulit sya ng taong iinom ng sprite gamit ang straw na nakasaksak sa ilong. hehe.

3. Kokeymonster - kapangalan nya yung kaklase ko nung elementary at nung bata pa ako. Kung alam ko lang na may hidden meaning ang pangalan nung kaklase ko na yun, malamang elementary palang e sira na ang buhay nya. Kasingkulit ni Ferbert ang tatay ng nagpangalan sa kaklase ko nung elementary. Hahaha. Gulo.

4. Kissescomics - Hindi masyadong active ang gumawa nito pero gustong gusto ko ang comics nya. Lahat ng characters nya ay pangalan ng pagkain. Kung active lang sya malamang top1 sya dito. Kaya lang istorbo talaga sa kasikatan ang pag-aaral na yan. Idol ko to, sana makagawa din ako ng komiks.

Ayun. Di ko alam kung mayayaya ko pa kayong sumali kasi 15 minuto na lang at tapos na ang pagboto. Sensya naman. Next time na lang kayo bumawi. Hehe.

Saturday, April 5, 2008

A Good Run

Though I might hate to admit it, it seems that this blog is dead. It had its glory days, it had its good run, but nothing lasts forever. It gained many friends, expanded the horizons of my self-proclaimed influence and even help me have a somewhat short, turbulent but interesting lablayp. It even won me a good sum of money and a 1-year free website that I am currently wasting.

I gave a good effort to keep it alive. But I am finding it hard to post here as the days go by. Maybe it's too long gone to revive it.

I think I need a new one. One of these days.

Thursday, April 3, 2008

Palitaw

Hello Blog!

Namiss mo ba ako? Wala na akong maisip na palusot kung bakit di ako nag-uupdate. Nagamit ko na ata lahat. Marami-raming beses na tayong nag-on at off, daig mo pa ang imaginary girlfriend ko.

Ito na ata ang pinakamatagal nating cool off sa lahat, kung di ko ibibilang yung 1 taon sa pagitan ng unang post ko mula nang magsimula akong magblog hanggang sa pangalawang post ko nang maisipan ko yun ituloy.

Hindi naman tayo nag-away di ba? Bigla na lang walang oras. O kaya naman ay may iba nang pinaggamitan ang oras ko na dati kong inilalaan para sayo. Sana lang girlfriend yun. Sana lang. Haha. Kaso hindi e. Hindi talaga.

Dahil matagal na akong hindi nagkwekwento, pagsasawaan nyo ang nobelang ito.


Mahirap pala magpayaman. Hindi biro biro ang pagkita ng salapi. Akala ko dati mas mahirap magkagirlfriend (teka, kanina pa yung motif na to), pero mas mahirap pala magkagirlfriend talaga. Haha.

Siguro madali lang ang trabaho ko. Buong araw akong nakaupo. Parang patabaing baboy. Tatayo at maglalakad lang ako para kumain. Minsan nga di na ako tumatayo. Tatayo lang ako kapag nakikipagtalastasan (tumatambay) sa mga kasama ko dito sa opish. Minsan di na rin ako tumatayo. Tatayo lang ako kapag gagamit ako ng c.r. Di kasi pwedeng di tumayo.

Mahirap din mag-isip. Marami pa akong di naiintindihan dito sa ginagawa ko. Pero marami na rin naman akong nagegets. Naisip kong may pagkahenyo pa rin naman pala ako. Akala ko kasi pinudpod na ng Mapua ang aking angking galing, kung meron man. Sa totoo lang nahihirapan akong iexplain kung ano ang ginagawa ko dito. Andami dami nilang tawag, EDI mapper, EDI developer, EDI software engineer, etc.
____________________________

Ok naman ang mga tao dito. Mababait naman sila. Di pa rin nawawala ang mga hinaing nila sa mga tao sa taas. Ganun naman ata talaga kahit saan. Lahat may hindi gusto. O kaya lahat ng nasa taas pasaway. Pero ok naman dito. Medyo napahiwalay pala ako sa mga kabatch ko. Kaya yung mga kasama ko mga matagal na dito. Pangit ng pwesto ng cubicle ko.

Nung una ayos, dahil nakatalikod ang monitor ko sa daanan ng tao. Kaya lang nirelocate ako ulit. Sa bandang dulo pero kita yung monitor ko. Nung mga unang araw nahirapan akong kakalingat sa likod kapag magsusurf ako. Hanggang naisipang kong bumili ng salamin. Yung dinidikit sa sidemirror ng kotse, yung maliit na bilugang salamin. Ngayon kita ko na kung may dadaan sa likod ko.

Balik tayo sa pagpapayaman. Naaalala ko yung nakasabay ko nung training. Matagal na syang nagtratrabaho. Kakalipat lang nya dito sa company namin. Tinanong ko kung magkano na sweldo nya. Syempre ayaw sabihin. Di ko naman siya uutangan. Sabi nya na lang "Basta yung sweldo nyo, tax ko lang yun". Aba, di ba steer yun? Anlaki naman ng sweldo nya. Pero sabi ko na rin, waw, ang laki naman. Sabi nya, wala rin daw yun. Habang lumalaki ang kita, lumalaki rin ang gastos.

At tama naman sya. Kapag may pera ka, maraming bagay ang pupuntahan nun. Di nauubusan ng pupuntahan hanggang meron.

Pero di ko kayo bibiguin, papaunlarin ko pa ang Pilipinas. Para wala nang aalis.
___________________________________

Ngapala. Pumunta na ang kuya ko at ang asawa nya ng Dubai. Dun na sila magtratrabaho, at kung papalarin, pupunta sila ng Canada pagkatapos.

Umalis na rin pala yung nakabaliwan ko noon sa Mapua. Nagpunta na ng steyts. Nagmigrate kasama ng pamilya nya. Hanep rin no? Baka mabuti na rin sigurong hindi naging kami. Baka napilitan din ako magmigrate. Pano na lang ang Pilipinas? Pero yung boypren nya andito pa. Susunod kaya yun? Baka magbreak sila. Harr harr.

Nakakalungkot din kahit pano. Kahit di na kami ganun kaclose nung babae. Nagyaya pa siya mag Mall of Asia nun kasama mga dati naming kablock. Pero tatlo lang kaming pumunta na kablock nya bukod dun sa kanya at sa boypren nya.

Ayun, masaya naman sila. Natuwa sila sa akin. Nakalimutan ko nang komedyante pala ako sa grupo na yun sa tagal ko nang hindi sila nakasama. May blog sana ako para sa pangyayaring yan, english pa. Mas maramdamin. Ipopost ko na lang pag nakita ko yung scratch.

Ano pa bang ikwekwento ko? Dahil nga kulang ng tauhan dito sa company namin (napirata ng ibang company), at napakaraming projects, "humiram" ng 30 tao ang company sa Solutions Delivery ng IBM. Hiniram sila for 3 months. syempre may bayad yun. masayang kasama itong mga taga-IBM, mahaharot parang mga bata. maraming pasaway. pero ayos sila. Medyo nakakaasar lang at natapos na ang kontrata nila. Kung kelan halos magkakakilala na kami.

Medyo nalasing na naman nga ako nung isang gabi. Yung mga taga-IBM kasi e. Birthday nung isa nilang kasama. Nagyaya sa bahay. Sabi ko di na ako sasama. Ayaw pumayag. Babae pa naman. Napilitan tuloy ako sumama. Sabi nila kakain lang. Kumain nga pero nag-inom din. Granma lang naman. Pero may videoke kasi. Tsk tsk.

E dito kasi tahimik ako. Alam nyo na, shy type. Nagulat na lang sila nung makailang tagay na, at nang medyo may tama na, hinihingi ko na yung mikropono sa kanila. "Rock star" daw pala ako pag lasing. Kanta ng kanta. Nahiya pa nga ako nun e. Haha.

Ayun lang. La na ako maisip e. Nagttype lang ako ng tuloy tuloy. Nandito pa pala ako sa opis. Bukas pa ako uuwi e...


Friday, February 1, 2008

Clean Slate

“When you finally get what you want, you end up missing what you left behind”

~John Dorian

Happy New Year!!!

Hindi ko inakalang mahuhuli ng isang buwan ang aking pagbati ng Manigong Bagong taon sa inyong lahat. Hindi man lang natin nasimulang Magana ang taon para sa blog kong ito.

Pero wala pa namang Chinese New Year kaya naman, pwede pa rin.

Pero hindi naman nalalayo ang estado ng aking blog sa mga blog ng mga tao sa bodega. Hindi ko alam kung sobrang abala sila sa dyaryo dahil isa palang slave driver si sir armand o lahat sila’y bigla na lang nagkaroon ng mga lablayps o sadyang tinatamad lang sila. O baka naman di na sila nagbloblog dahil wala na silang inspirasyon…

ehem, ehem.

Kaya naman, naisipan kong bumalik dito ngayon para naman i-resuscitate ang aking naghihingalong blog. Ipinagpaliban ko muna ang pagpapalevel-up sa aking mga village sa Tribal Wars, isang browser game na kinaadikan ko ngayon dahil pwedeng laruin sa opisina nang hindi nahahalata masyado.

Ano na nga ba ang latest?


Una sa lahat, tiyak nang gagraduate ako ngayong February. Hindi kami marami, at marami pa rin sa mga kakilala ko ang naiwan dahil sa isang bugnuting Asignaturang Upuan . May mga kablock ako na dapat nung November pa grumaduate pero sa May pa sila makakapagsuot ng toga. At kahit sa buwan ng Mayo ay hindi pa rin sila sigurado.

Kaya masasabi kong mapalad na rin ako at nakalusot ako ng Design 2. Malaki pa rin pala ang ipagpapasalamat ko kay mamsir at sa kanyang girlfriend at sa iba pa nilang alipores na pinagbigyan ako. Isang batas na ata ng kalikasan na may mga mas malala pa ang dinanas sa iyo sa kahit anong pagkakataon.

Ano nga ba ang nararamdaman ko at gagraduate na ako?

Hmmm… kahit kailan hindi nagging malaking bagay para sa akin ang graduation. Syempre gusto kong grumaduate, pero nung alam kong gagraduate na ako, parang naisip ko, ah ok… buti naman.

Whooosh!

Ang malungkot lang naman talaga sa graduation ay may iiwan ka. Magkakahiwalay-hiwalay kayo. Kumbaga nung hayskul, hindi mo na makikita yung terror nyong prof, o yung kras mo sa kabilang row. Wala nang P.E. o C.A.T., wala nang mga Field Day o Intrams o Cheering Competition. Yun lang naman.

Pero nitong college ay wala naman ako masyadong naging mga kabarkada sa mismong klase. Maraming mga topaking prof pero walang uniporme ang mga babae. Tsk tsk. May mga naging kabarkada man ako dati ay mahabang istorya pa kung bakit hindi na ganun ngayon.

Kaya naman mas nalungkot pa ako nung grumaduate ako ng bodega dahil mas matagal kong kasama ang tao dun. Naks. Kung kelan sila nahilig maglaro ng computer games, o kaya pwedeg maglaro ng bilyar, o kaya nagkaroon ng PSP e dun pa ako nawala. Mamimiss ko yung mga tulugan ko sa opis na madalas e kahit saan lang abutan ng antok. Tsk tsk.

Kamusta na ba kayo dyan?

__________________________________________

Nung isang buwan nagkaroon ng sira ang pc ko at dahil hindi naman ako computer engineer (nagpapanggap pa rin kahit gagraduate na) e pinaayos namin sa kaopisina ng nanay ko (na hindi rin computer engineer kundi management grad ata)

SImpleng ayos lang ang inaasahan ko. Akala ko konting kutkot lang nya e presto… ayos na ang pc ko. Kasi minor lang yung problem, parang pagkatapos ng kalahating oras bigla na lang maghahang yung pc. Pag-uwi ko ng bahay nagulat ako at nareformat na ang buong pc.

Tamang tama, wala pa naman akong back-up ng kahit ano. Shi-eeit! Yung mga dinownload ko na kung ano-ano, mga pelikula, palabas sa tv, anime, mga documents, mga draft ng articles, mga picture, mga toooot (na wala naman talaga…)… blah blah at blah. Nawala lahat. Burado.

Yung 160 GB na hard disk ko na bago irefornat ay 30+ GB na lang ang free, biglang naging 130 GB free space.

So ano nga bang punto ko sa kwento na yun? Bukod sa dapat may back-up lahat ng porn este documents mo sa pc. ay wala namang iba pa. Naisip ko lang na masyado akong makapit sa nakaraan. Karamihan sa mga nakalagay sa hard disk ko na yun ay hindi ko naman nagagamit, ayaw ko lang pakawalan. Sayang e. Baka may paggamitan bigla. Baka hindi pa tapos ang gamit nya at kaylanganin ko ulit.

Kapag nawala yun, parang isang malaking kawalan. Para kang nagsimula ulit nang hindi pa tapos. Kapareho lang nang pagpilit kalimutan ang nakaraan o yung move on na sinasabi nila. Parang may nawalang parte sa buhay mo. Mahirap. Mas maganda kung may shift+delete din ang utak gaya ng pc o kaya reformat kapag gusto mong burahin ang laman ng utak mo.

Pero kagaya ng hard disk nay un, baka naman ibig sabihin lang, kailangan ko nang magbigay ng malaking espasyo para may mga bago namang dumating sa buhay ko na mas makakatulong sa akin. Baka naman kaya walang nagkakamali e dahil ayaw ko silang pagbigyan.

Di ba? >_<