Anong nangyari? Ulitan na naman ang blog na ito. Pambihira, ninong.. ituloy mo naman. Ganyan din ginawa mo nung isang taon. Tapos wala pang sampu yung post mo. Ni hindi mo nabuo yung layout mong ubod nang ganda...
Hmmm... Sakit ko na ata ang hindi tapusin ang mga nasimulan... ayaw ko lang sigurong may mga bagay na nagtatapos. Kung iniwan ko sya para bukas, baka pwede pa ring ituloy minsan. alam ko may mga bagay na nawawala kapag iniwan ng matagal. Pero ewan ko ba, kung hindi hinog sa pilit... overripe naman ang mga bagay-bagay.
Hindi ko naman masasabing busy ako sa trabaho palagi. Kasi kapag wala ako sa mood magtrabaho, bahala kayo, magpepetiks talaga ako. Kung tutuusin mas busy pa ako nung nagpapanggap pa akong estudyante. Maraming project, may mga quizzes tapos may dyaryo pa. Minsan pumapasok ako sa klase, exam na pala ni wala man lang akong booklet.
Pero nakakapagblog ako nun. Kulang ang linggo kung hindi ko maikwento sa libo-libo kong mambabasa kung bakit nabadtrip ako dun sa drayber ng jeep kanina, o sa kung anong tingin kong kulang sa pagkabata ng kung sinong bwisit na nagpapahirap ng buhay ko. o sa kung anong latest sa aking masalimuot na buhay pag-ibig (na minsan naiisip ko, parang by choice...)
Napakaraming nangumbinsi sa akin na magbalik sa blogging. Mga tatlo o apat sila. May mga gustong umalis ng microblogging. ewan ko kung bakit. marami atang mas papansin dun o masyadong mga warfreak lahat ng tao. naging big deal ang mga wordart na nung hayskul pa ako huling gumawa. o yung mga picture na kakaiba o kaya NOT SAFE FOR WORK. nauso yung mga reblog-reblog na hindi ko masundan yung mga comment...
nawala na yung mga mahabang kwento. siguro dahil nakakatamad din kasi magbasa ng mahaba. tapos yung ibang blogger tulad ko, gusto nagco-comment pa kayo. e sa tumblr, ni walang cbox (sabi nila pwede raw, pero ala naman akong nakitang naglalagay). kita mo agad kung ilan may gusto sa sinabi... at kung ilan ang disipulo mo.
ako, kaya lang ako may account sa tumblr ay para mauna ako dun sa ninong.tumblr.com.
So ayan, may mga bumalik na ata sa "macro"-blogging. Binuhay ang mga inaagiw nilang blog at datkom. May mga gusto ng reunion. Yung ibang di naman umalis ang sabi lang... nyehehe. Kung magsasalita lang ang mga naiwan nyong blog sasabihin nila, "You had me at my best... and you chose to type wordarts."
Siguro minsan, yung mga bagay na pinaghihirapan itype at pag-isipan... yun ang masarap balikan.