Hmmm... may nagbloblog pa ba? Sa panahon ngayon uso na yung videolog, mas madali nga naman iabsorb yung content, hindi naman lahat ng tao mahilig magbasa. ilang paragraph pa lang ang kwento mo, wala ka nang audience. kung nauso kaya ang vlogging nung college ako, ginawa ko din kaya? Baka hindi. Di ata kaya ng self-confidence kong humarap sa camera at ilabas yun sa buong madla. Baka di kayanin ng kapal ng mukha ko yung mga troll na walang ibang layunin sa buhay kundi sirain ang araw ng ibang tao.
Diretso na tayo sa punto ng post na ito, dahil baka sa kakaligoy ko wala na naman akong masabi. ilang taon na ring tengga tong blog na to. inaagiw na at napabayaan, pasensya na sa kawalan.
________
Magpapatingin ako sa psychiatrist. online lang. nagpa-appointment na ako. ilang araw ko din pinag-isipan. kailangan ko ba talaga? di biro.. mahal pala ang consult ngayon. nasa 2k yung online appointment. baka nababaliw na nga ako. naalala ko yung mp3 player kong knockoff, 2k din yun, parang ilang buwan kong inipon yun noon, ngayon, isang checkup lang.
pero 2k para sa peace of mind ko. baka nakamura pa ako... isipin ko na lang investment. yung mp3 player ko nun, di tumagal ng isang taon. baka naman pag nalaman ko ang sagot sa tanong ko, mas matagal ang epekto.
gusto ko lang malaman, may ADHD ba ako? hmmm... matagal ko nang naisip na di ko talaga kayang magfocus ng attention ko lalo na sa mga lectures. pabiro ko na nga nabanggit sa blog na to noon na baka may ADD ako (attention deficit disorder). tingin ko di naman ako hyperactive sabi ko noon. di naman ako nagtatatakbo ng walang dahilan o tumatalon na lang bigla. kaya naisip ko baka attention deficit lang talaga.
nalimutan ko na yung ibang reklamo ko sa buhay noong masigla pa ang blog na to. at matagal ko nang natanggap tingin ko na di ko na kayang bumalik ng paaralan bilang estudyante. natrauma ata ako sa kolehiyo. napagtanto kong hindi ko na kaya ang ilan pang taon na pakikinig sa mga lecture at paghahabol ng requirements para makapasa...